ILANG oras matapos ang pagdiriwang ng Father’s Day, isang pulis ang nalagas habang sugatan naman ang kanyang misis nang ratratin ng kilabot na riding-in-tandem sa Batangas town, kaninang umaga, Hunyo 16.
Nagtamo ng tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan na ikinamatay ng biktimang si P02 Isratuto Bagsik, nakatalaga sa Regional Headquarters Support Group (RHSG) sa Camp Vicente Lim sa Laguna.
Nadaplisan naman ng bala sa katawan ang asawa nitong si Agnes at ngayon ay nagpapagaling na lamang sa C.P. Reyes Hospital.
Blangko naman ang pulisya sa kung sino ang nasa likod ng pananambang pero isa sa sinisilip na motibo ay may kaugnayan sa pagiging pulis ni Bagsik.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 6:30 ng umaga sa isang bisinidad sa may Barangay Santor, Tanauan, Batangas.
Bago ito, lulan ang mag-asawa sa kanilang Mitsubisihi L300 van para ihatid ang kanilang apat na anak na papasok sa eskwelahan.
Pagdating sa lugar, sumulpot sa kanilang tabi ang dalawang armadong kalalakihan na sakay ng motorsiklo at pinaulanan ng bala ang parte ng driver’s seat na kinauupuan ni Bagsik.
Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang apat na paslit na ngayo’y nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare Development (DSWD) sa Tanauan City pero nadaplisan naman ang misis ni Bagsik.
The post Parak tigbak, misis sugatan sa ambush appeared first on Remate.