SUGATAN ang tatlong estudyante nang paghahampasin ng tubo ng dalawang guwardya ng kanilang pinapasukang paaralan sa Echague, Isabela.
Kabilang sa mga biktima ay nagkaroon ng fracture sa kaliwang braso. Nagkapasa naman sa likod at tagiliran, bukod pa sa galos sa leeg ang kaeskwela nitong habang nagkasugat sa palad ang isa pang biktimang tinago sa pangalang “Erol”.
Kinilala naman ang magkapatid na suspek na sina Jestoni Chito Antonio at Jestom Antonio na guwardya sa Ugad National High School.
Sa salysay ng mga estudyante, habang nag-aantay silang mabuksan ang gate ng paaralan, bigla na lamang umanong sinugod ng guwardyang si Jestom si “Erol”.
Nang umawat ang dalawang estudyante, sila naman ang hinampas ng tubo ng magkapatid na guwardya.
Galit ang mga magulang ng mga estudyante nang magreklamo sa istasyon ng pulis.
Inamin naman ng magkapatid na suspek ang pananakit sa mga estudyante at aminado silang mali ang kanilang ginawa pero depensa nila, ipinagtanggol lang nila ang kanilang sarili matapos silang batuhin ng bato at suntukin ng tatlo.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Samantala, sinabi naman ng principal ng paaralan na sinibak na niya ang dalawang sekyu. Pag-amin din niya, mga kamag-anak niya ang mga ito.
Pagpapaliwanagin ng barangay ang punong-guro dahil hindi umano lehitimo ang pagtalaga sa mga guwardya sa paaralan.
Sinampahan naman na ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse ang magkapatid na sekyu.
The post 3 stude, sugatan sa hagupit ng tubo ng sekyu sa Isabela appeared first on Remate.