IPINAHAYAG ngayon ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang kanyang kahandaang makulong anomang oras.
Ito ang reaksyon ni Revilla matapos na maisampa at mai-raffle na sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban sa kanya kaugnay pork barrel fund scam.
Katwiran ni Revilla, ayaw niyang isipin nang publiko na dine-delay pa nila ang posibleng pag-aresto sa kanilang mga kinasuhan ng plunder.
Binigyang-diin ni Revilla na handa siyang magpaaresto anomang oras o araw.
Muli namang nanindigan si Revilla na inosente at malinis ang kanyang konsensya kaugnay sa isinampang kaso.
Samantala, kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na nagtungo ito sa PNP Custodial Center.
Ito’y para inspeksyonin ang posibleng maging piitan ng mga kinasuhan kaugnay ng pork barrel fund scam.
Ayon kay Roxas, lumalabas sa kanyang pagsusuri na kung aabot sa mahigit 50 ang makasuhan hinggil sa PDAF scam, hindi magkakasya ang mga ito sa naturang detention center.
Dahil dito, ipinag-utos muna ni Roxas na bakantihin ng ilang opisyal ang Barracks sa PNP Custodial Center para magamit ng ilang papasok na high-profiled detainee.
Pagtitiyak ni Roxas, hindi bibigyan ng special treatment ang mga ito.
The post Revilla, handang magpakulong anomang oras appeared first on Remate.