INALMAHAN ng grupo ng recruitment agencies ang panukalang pagsasama ng terminal fee sa presyo ng ticket.
Sinabi ni Jackson Gan, presidente ng Pilipino Manpower Agencies Accredited to Taiwan, hindi praktikal ang panukala at maari lamang itong makadagdag sa kalituhan lalo na at exempted naman sa pagbabayad ng terminal fee ang mga OFWs.
Ayon kay Gan, maaring malipat ang linya sa mga OFW na kailangan mag refund ng airport terminal fee at hindi naman ito sa kanila ire-refund kundi sa employers.
Ang panukala ay ipinahayag ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na isasama na sa airline ticket ang sinisingil na terminal fee ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula sa Oktubre.
Nabatid na nagkasundo ang Manila International Airport Authority (MIAA) at mga International Air Carrier na isama na ang International Passenger Service Charge (IPSC) o mas kilala bilang terminal fee sa bibilhing airline ticket, binili man ito online, sa ticketing office o sa travel agency.
Dahil sa hakbang na ito, hindi na gugugol pa ng oras ang mga pasahero para pumila sa pagbabayad ng terminal fee at tatanggalin na rin ang mga counter na naniningil nito.
Bagama’t ang implementasyon nito ay sa Oktubre pa, may isang taon pa itong transition period na magtatapos sa Setyembre 2015. Maipatutupad ito ng tuluyan sa Oktubre 2015.
Sa kasalukuyan, ang MIAA ay nangongolekta ng P550 terminal fee sa international flights at P390 dito ay napupunta sa maintenance ng airport, P60 ay para sa aviation security at P100 naman ang napupunta sa gobyerno.
Habang P200 naman sa domestic flights na isinama na rin sa airline ticket noong Agosto 2012.
The post Pagsasama ng terminal fee sa ticket price, inalmahan appeared first on Remate.