TITIYAKIN ng minority bloc sa Kamara na makakalkal sa darating na budget hearing ang mga nagawang congressional insertions sa national budget.
Ito ayon kay ACT Partylist Rep. Antonio Tinio ay dahil tila nakalimutan na ng pamahalaan na paimbestigahan ang congressional insertions dahil nasentro sa pork barrel scam ang imbestigasyon.
Sinabi ng kongresista na “mani” lamang kung tutuusin ang pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa congressional insertions na bilyong halaga at ito ay lump sum umanong nakukuha sa pondo ng bayan.
Kung tutuusin, mas malaking anomalya ayon kay Tinio ang congressional insertions kumpara sa alokasyon ng pork barrel fund sa mga mambabatas.
Ang kongresista ay may kabuuang P70 milyong PDAF samantalang P200 milyon naman sa mga senador taun-taon.
Umaasa si Tinio na tulad sa PDAF ay ganito rin ang paghimay na gagawin ng Commission on Audit (CoA) sa budget insertions na madalas na ginagawa ng mga lider ng institusyon.
Samantala, kaalinsabay ng pagdiriwang ika-116 ns anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ay nanawagan ang grupong YOUTH ACT NOW ang paghahain ng kaso at pagpapakulong hindi lamang sa tatlong senador kundi sa lahat ng nasasangkot sa pork barrel scam.
“Today, the youth demands accountability from everyone involved in the pork barrel scam. For the Philippines cannot be truly independent as long as its people suffer from the hands of corrupt leaders who plunder the nation’s wealth with impunity,” ani YOUTH ACT NOW Spokesperson Victor Villanueva.
Giit pa ni Villanueva, lahat ng sangkot ay dapat managot kasama si Pangulong Aquino at mga kaalyado nito at hindi dapat matapos sa paghahain ng kaso kina senador Juan Ponce Enrile, Ramon Revilla, Jr., at Jinggoy Estrada.
The post Congressional insertions sa national budget kakalkalin appeared first on Remate.