ISINUMBONG ng Vietnam ang China sa United Nations (UN) matapos ang panggugulo nito sa South China Sea.
Sa position paper na ipinadala sa UN headquarters sa New York, idinadaing ng Vietnam na ihinto na ng China ang pagtatayo ng oil rig sa pinagtatalunang Paracel Islands.
Nanawagan pa ito sa China, “Stop all activities that are interfering with maritime safety and security, and affecting regional peace and security.”
Hiniling din ng Vietnamese mission na ibahagi ang kanilang position paper sa mga miyembro ng General Assembly.
Matatandaang naunang nagpadala ng position paper kontra Vietnam ang China.
Partikular na isinumbong nito kay UN Secretary-General Ban Ki-moon ang pagbangga ng Vietnam sa kanilang mga barko ng mahigit 1,400 beses malapit sa itinatayong oil rig.
Binanggit ng China na ito’y paglabag sa U.N. Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Gayunman, lumilitaw na taliwas ang posisyon na ito ng China sa pinaninindigang bilateral talks at 9-dash line principle laban naman sa Pilipinas.
The post Vietnam isinumbong ang China sa UN appeared first on Remate.