GAYA ni Sen. Bong Revilla sa kanyang privilege speech, mistulang nagpaalam na rin si Sen. Jinggoy Estrada sa inaasahang paglabas ng Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa kanya at sa dalawang kapwa senador kaugnay ng pagkakadawit sa PDAF scam.
Sa kanyang talumpati kaninang hapon sa huling araw ng session ng Senado bago ang sine die adjournment, muling binatikos ni Estrada ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nagdiin sa kanya sa pork barrel scam.
Kabilang dito si Senate blue ribbon chairman Sen. Teofisto Guingona III na nag-iimbestiga sa pork barrel scam.
Giit nito, maaga silang hinusgahang tatlo nina Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Bong Revilla.
Hindi rin nito pinalampas si Sec. Leila De Lima at Ombudsman Conchita Carpio-Morales dahil sa ‘rail roading’ sa kanilang kaso na aniya’y nilabag ang kanilang karapatan para sa due process.
Inamin ni Estrada na pansamantala nitong iiwan ang kanyang posisyon bilang mambabatas sa harap ng banta na sila’y ipaaaresto anumang oras mula ngayon.
Paulit-ulit na iginigiit ni Estrada na siya’y walang ginawang kasalanan sa taumbayan.
Pinasalamatan naman ng solon ang mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya lalo na ng kanyang pamilya, misis na si Precy at mga anak na personal na dumalo bilang suporta sa kanyang pamamaalam.
Higit sa lahat ay tiniyak nito na hindi siya natatakot na makulong at kusang susuko sa kinauukulan kung oras na para siya’y ipaaresto.
The post Jinggoy nagpaalam na sa Senado appeared first on Remate.