NAILIGTAS ng mga awtoridad ang apat na mangingisda na napaulat na ilang araw nang palutang-lutang sa karagatan ng Bayangan Island sa Labason, Zamboanga del Norte.
Nabatid na tatlong araw na ang nakalipas mula nang pumalaot ang apat na mangingisda na kinilalang sina Emmanuel Tingoban, 28; Raymond Puson Bantillan, 21; Ray Jaconilla Tampos, 22, at ang 16-anyos na si Jason Mordilla Biharas na pawang mga residente ng Barangay Olingan, Dipolog City.
Nagkaroon ng problema sa engine ng pump boat na kanilang ginagamit sa pangingisda sa karagatan ng Dipolog City at hindi na ito gumana hanggang napunta sila sa karagatan ng Labason.
Sa tulong ng ibang mga mangingisda sa lugar, nakita silang palutang-lutang ng naturang isla at kaagad ini-report sa pulisya.