INIULAT ng Philippine National Police (PNP) sa Commission on Elections (Comelec) na pumalo na sa 1,041 ang bilang ng mga lumabag sa ipinatutupad na gun ban para sa May 13 midterm polls.
Ang naturang bilang ay naitala mula Enero 13 hanggang 8:00 ng umaga ng Pebrero 19.
Batay sa tala ng PNP, kabilang sa mga naaresto ang limang sundalo, 13 pulis, 64 security guard, 2 miyembro ng CAFGU, 14 government officials at 945 na mga sibilyan.
Umaabot naman sa 1,009 ang nakumpiskang mga armas, 5,047 ang mga bala, 43 granada, 174 na iba’t ibang pampasabog tulad ng dinamita, 261 ang bladed at pointed weapons at 28 airsoft o replika ng baril.
Nilinaw naman ng PNP na hindi lamang sa mga checkpoint nakumpiska ang mga armas kundi maging sa kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad.