ARESTADO ang isang taxi driver matapos dugasan ang kanyang pasaherong Hapon.
Nakakulong na sa detention cell ng Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) ang suspek na si Nestor Esquillo, 40, ng 18 D. Jerusalem St., Barangay San Isidro, Parañaque City makaraang ireklamo ni Kaneko Yoshitoka, 46, tubong Japan at nanunuluyan sa Oasis Hotel sa Paco, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon, sumakay ang biktima sa Makati Cinema Square para magpahatid sa Oasis Hotel sa Paco subalit inikot-ikot siya ng driver at pagdating sa lugar ay siningil ang biktima ng P5,000 ngunit P1,000 lamang ang ibinigay ng Hapon.
Nagalit umano ang driver hanggang sa nauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap.
Sa kabila nito, bumaba ang biktima sa taxi pero hindi pa ito nakakalayo nang mapansing naiwan ang kanyang Samsung cellphone sa taxi na nang kanyang balikan ay wala na.
Muling nagtalo ang dalawa hanggang sa mapadaan ang mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nagpapatrulya sa lugar.
Dito na inilabas ng suspek ang cellphone ng biktima mula sa ilalim ng kanyang upuan.
Sanhi nito, hiniling ng biktima na dalhin sila sa MPD-GAS para masampahan ng kaukulang demanda ang suspek.
The post Mandurugas na taxi driver kalaboso appeared first on Remate.