NAGHIHIMUTOK ngayon si Sen. Miriam Santiago dahil tila pinagkaisahan siya ng mga kasamahang mambabatas sa Commission on Appointments (CA).
Kaugnay ito sa pagkakalusot ni Social Welfare Sec. Corazon ‘Dinky’ Soliman sa committee level ng CA kaninang umaga.
Ayon kay Santiago, unethical at gawain ang ganito ng mga ‘trapo’ o traditional officials.
Pero hindi isinalang ng komite ang kumpirmasyon ng kalihim sa plenary session ngayong hapon dahil na rin sa banta ni Santiago na haharangin ang kumpirmasyon ni Soliman gamit ang Section 20 ng CA rules.
Dito wala nang magiging kwestyon ang iba pang miyembro ng CA kapag iginiit ang Section 20.
Sa susunod na linggo ikakasa ng komite ang kumpirmasyon ni Soliman sa plenary session.
Nasa sine die session na ang Kongreso o nalalapit na ang pag-a-adjourn.
Dahil dito, nawala ang kapangyarihan ni Santiago na igiit ang Section 20 ng CA rules.
Nakasaad din sa nasabing probisyon na hindi na maaaring gamitin ang Sec. 20 ng sinumang miyembro ng CA kapag ang plenary session ay nasa panahon na ng adjournment.
Giit ni Santiago, nagkaisa ang mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon partikular ang mga kasapi ng Liberal Party na huwag ngayong hapon ituloy ang pagrekomenda sa plenary ng CA ang rekomendasyon ni Soliman kundi sa susunod na sesyon para mawala ang veto power ng sinomang gustong humarang sa kumpirmasyon ng isang appointee.
Pinasaringan pa ng beteranang mambabatas na alam din ni Senate Pres. Franklin Drilon ang diskarteng ito ng kayang mga kasamahan sa liberal.
The post Miriam naghimutok sa ‘pagpapalusot’ kay Soliman appeared first on Remate.