NAUNSYAMI ang kumpirmasyon ni Justice Sec. Leila de Lima sa kanyang unang pagharap sa justice committee ng Commission on Appointments (CA).
Taong 2010 nang unang i-appoint si de Lima bilang kalihim ng DOJ subalit ngayong araw lamang naisalang sa CA.
Nagpadala ng sulat si Majority Leader Sen. Alan Peter Cayetano, na ngayon ay kasalukuyang nasa abroad na magkaroon pa ng isa pang hearing sa Committee Level sa susunod na linggo kaya na-defer ang nasabing kumpirmasyon nito.
Kinuwestyon naman ni Sen. Jinggoy Estrada ang kalihim kaugnay sa sinasabing tumatanggap ito ng karagdagang P1 milyon mula Philippine Amusement and Gaming Corp. noong siya ang pangulo ng Commission on Human Rights (CHR) sa ilalim ng administrasyong Gloria Arroyo.
Tugon ni De Lima na may confidential fund noon para sa CHR at hindi ito karagdagang allowance.
Subalit ayaw itong paniwalaan ng senador.
Lumutang din sa pagdinig si Sandra Cam, pangulo ng Whistleblower Association of the Philippines.
Inakusahan nito ang kalihim ukol sa pagkakatanggal sa witness protection program (WPP) ng isa nitong miyembro sa Whistleblower Association of the Philippines na naging saksi kung papaano nakatakas sa paliparan ang suspek sa pagpatay kay Dr. Gerry Ortega na si dating Palawan Governor Mario Joel Reyes.
Sa naturang pagdinig, inamin ni De Lima na naging kliyente niya noon si Reyes noong ito ay isang election lawyer subalit itinanggi na may kinalaman siya sa naturang pagtakas sa bansa ng dating gobernador.
Todo tanggi naman si De Lima sa naging akusasyon ni Cam laban sa kanya.
Ayaw namang kumpirmahin ni De Lima kung may mga tao sa likod nang biglang pagbabago ng pakikitungo sa kanya ni Cam.
The post De Lima naudlot ang kumpirmasyon appeared first on Remate.