WALANG pakialam ang Malakanyang kung hindi man pinaniniwalaan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang “conspiracy theory” sa pagitan nina pork barrel scam Janet Lim-Napoles at whistleblower Benhur Luy na kapwa nagdidiin kay Budget and Management Sec. Florencio “Butch” Abad sa pork scam.
Para kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, maaari namang mamili si Bacani na maniwala o hindi maniwala na walang kinalaman si Sec. Abad sa kontrobersyang ito subalit kailangan na may kaakibat na ebidensya na magpapatunay na may SARO ba o wala mula sa Batanes Electric Cooperative.
Tinabla at sinupalpal naman ng Malakanyang ang hirit ni Bacani na sibakin sa puwesto si Sec. Abad.
Binigyang-diin ni Sec. Lacierda na nananatili ang kanilang posisyon na panatilihin sa puwesto si Sec. Abad dahil naniniwala sila sa “When it comes to cases against anybody, we will go where the evidence is. ”
Sa ulat, pinagbibitiw ni Bishop Bacani si Sec. Abad kung tunay aniyang walang kasalanan ito sa pagkakasangkot sa pork barrel scam ay dapat iwanan niya ang kanyang posisyon sa pamahalaan.
Nagpahayag din ng paniniwala ang Obispo na mabigat ang ebidensya ngayon laban kay Abad lalo na’t dawit ang kanyang pangalan sa magkahiwalay na listahan ni Janet Lim-Napoles at whistleblower Benhur Luy.
Iginiit pa ng Obispo na mahirap isipin na nagkaroon ng conspiracy o sabwatan sa pagitan nina Napoles at Luy dahil hindi naman magkasundo ang dalawa.
Nilinaw din ng Obispo na importante ngayon na ibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan kaya’t dapat magbigay-daan si Abad sa malinis na imbestigasyon.
Kaugnay nito, pinuna rin ng Obispo ang pagtatrabaho sa gobyerno at pagiging miyembro ng gabinete ng asawa, anak, limang pamangkin at dalawang pinsan ni Abad.
Sinabi ni Bacani na tila nagkakaroon na rin ng dynasty sa gabinete ng Pangulong Aquino at hindi magandang imahe ang dulot nito sa kasalukuyang administrasyon.
Una nang inihayag ni Napoles na si Abad ang kanyang mentor sa pagsisimula ng multi-billion pork barrel scam.
The post Malakanyang, walang paki kay Bishop Bacani appeared first on Remate.