NAISALBA ng ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na menor de edad sa isang gay bar sa Quezon City, kaninang madaling-araw.
Nasa edad 10, 14, 11 at lima ang mga kabataang nailigtas mula sa Matikas Entertainment Bar sa kanto ng Roosevelt at Quezon Avenue sa lungsod.
Lima sa mga ito ay lalaki habang babae naman ang isa.
Ayon kay Salve Sion, spokesperson ng human trafficking division ng social services department ng Quezon City, sa naturang bar tumutuloy ang mga kabataan dahil isa umano sa ina ng mga ito ay singer sa lugar.
Depensa ng ina, sa bar na niya pinapatuloy ang mga bata upang mabantayan niya ang mga ito.
Dadalhin naman ang mga paslit sa reception and action center sa Payatas upang maalagaan ng awtoridad hangga’t sa makuha sila ng pamilya nila.
Sabi naman ni Atty. Dante Bonoan, hepe ng anti-human trafficking division ng NBI, isang linggong inobserbahan ang bar matapos makakuha ng tip sa deputy director ng ahensya.
Sa kanilang pagmamanman, nakita ang 11 kalalakihan na nagsasayaw ng hubad sa naturang gay bar na maituturing na acts of prostitution.
Hinahanda naman ng awtoridad ang isasampang kaso laban sa may-ari ng bar dahil sa paglabag nito sa anti-human trafficking act habang kakasuhan din ang ina ng isa sa mga menor de edad ng kaugnay sa child abuse.
The post 6 menor naisalba ng NBI sa bar sa QC appeared first on Remate.