TINAPOS na ng mga kinauukulan ang search and rescue operations sa 14 pang nawawalang tripulante ng lumubog na MV Arita Bauxite, Myanmar registered vessel, sa Bolinao, Pangasinan.
Ayon kay Chito Castro ng Office of the Civil Defense (OCD) ng Region 1, natapos nang magsagawa ng pagtaya kaninang tanghali ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsagawa ng aerial search and survey.
Ayon kay Castro, bandang 8am nang muling lumipad ang mga helicopter ng PCG para ipagpatuloy ang paghahanap, subalit bigo sila na makakita ng survivor.
Dahil dito, nagdeklara ang PCG sa lugar ng termination ng search and rescue operations kaninang 1 ng tanghali.
Sinabi pa ni Castro na may tinatayang 20 mga bangka at iba pang vessels na nangingisda at dumadaan sa rutang yun na natatangi nilang pag-asa na posibleng makakita sa mga missing crew members patay man ang mga ito o buhay.
Kaya ang konsentrasyon na nila ngayon ay ang containment o pagkontrol na sa nakitang oil spill sa pinaglubugan ng vessel.
Ayon kay Castro, nakakasa na ang oil spill contingency plan ng PCG at nagpapa-deploy na rin ng treatment equipment o facility para makontrol ang oil spill.