IPUPURSIGE ng Malakanyang ang syndicated estafa laban kay Delfin Lee at iba pang akusado kaugnay sa maanomalyang housing loans na ipinagkaloob sa Globe Asiatique.
Sa katunayan, ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, magsasanib puwersa ang DoJ at Office of the Solicitor General (OSG) para pag-aralan kung kailangan nang iakyat sa Korte Suprema ang isyung ito.
“The government… We spoke to Secretary (Leila) de Lima this morning and the government intends to pursue the case. We are challenging the decision of the Court of Appeals in the Supreme Court,” anito.
Nauna nang ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang syndicated estafa laban sa akusado at pinababawi ang inilabas na warrant of arrest.
Subalit para sa Malakanyang ay dismayado sila sa naging desisyon ng CA.
“Alam mo, syempre, disappointed tayo kasi ‘yung posisyon natin is to prosecute the accused but it doesn’t mean that we will not respect the decision. In fact, we are taking the appropriate legal remedies against the decision. But you also understand the sentiment of the victims of the scam kasi kapag kayo ho ‘yung nabiktima mahirap hong intindihin na parang teknikalidad ‘yung pinag-uusapan natin doon sa kaso. So we are pursuing the case for the government,” anito.
Naniniwala silang may batayan ang reklamo at taglay nito ang mga elemento ng isang syndicated estafa.
Sa ngayon ay nananatiling “at-large” si Lee.