SUGATAN ang isang dalagita habang dalawang sasakyan ang nawasak matapos sumabog ang granada sa parking space ng opisina ng District Anti-Illegal Drugs sa Caloocan City kaninang madaling-araw, Mayo 18.
Ginagamot sa Caloocan Medical Center sanhi ng sugat sa kaliwang hita si Edelyn Portes, 17 ng Langaray St., ng lungsod.
Wasak naman ang mga nakaparadang Honda Civic Sedan (WCE-873) at Nissan Centra Sedan (WCJ-768).
Nabatid sa dalagita na alas-2:30 ng madaling-araw nasa loob siya ng kanilang tindahan sa nasabing lugar nang makarinig ng umarangkadang tricycle kasunod ng malakas na pagsabog.
Namanhid at dumugo ang hita ng dalagita matapos tamaan ng matigas na bagay na naging dahilan upang dalhin sa CMC habang nakitang wasak ang dalawang nakaparadang sasakyan sa tapat ng opisina ng District Anti-Illegal Drugs ng Northern Police District.
Nakakuha sa lugar ng pinagsabugan ng isang safety pin ng hindi pa tukoy na granada kung saan inaalam na kung sino ang nagpasabog.
The post DAID-Caloocan pinasabugan ng granada, dalagita sugatan appeared first on Remate.