PATAY ang 31-anyos na striker ng mga pulis sa Baseco Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District (MPD) makaraang pagbabarilin ng tatlong hindi nakikilalang suspek kagabi sa Port Area, Maynila.
Apat na tama ng bala ng baril sa katawan ang kumitil sa buhay ni Jefferson Barrel, ng 3192 Int. 9 Pilar St. Tondo, Maynila at utility man sa Baseco PCP.
Sa imbestigasyon, alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa 2nd St. Port Area, Maynila.
Nagsasagawa ng Oplan Sita si PO2 Abel Sadiosa nang mamataan ang tatlong suspek na nakasakay ng tricycle na hindi nakuha ang plaka.
Pinara umano ni Sadiosa ang tricycle, pero sa halip na huminto ay nagdire-diretso ito, dahilan para kunin ng biktima ang kanyang motorsiklo at hinabol ang tatlong suspek.
Ilang saglit pa ay nakarinig na ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga pulis at nang tingnan ay nakahandusay na ang biktima.
Inaalam na ang pagkakilanlan ng mga salarin.
The post Striker ng pulis inutas ng 3 sa Port Area appeared first on Remate.