PATAY ang dalawang babaeng entertainer makaraang paghatian at kapwa ininom ang silver cleaner na napagkamalan nilang tubig na nakalagay sa isang bote matapos makaramdam ng matinding pagkauhaw dahil sa matinding init ng panahon kaninang umaga sa Pasay City.
Idineklarang dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital sina Jocelyn Garcia, 22, tubong Pulilan Bulacan at Rholiza Legan, 24, tubong Poblacion San Ildefonso Bulacan, kapwa entertainer sa Beirut Café at naninirahan sa 216 St. Mary’s Maricaban St. Pasay City.
Sa imbestigasyon, alas-8:30 ng umaga nang mainom ng mga biktima ang silver cleaner sa loob ng kanilang tinutuluyang bahay.
Sa pahayag ni Charry Ong, 29, isa sa mga kasamahan sa trabaho ng mga biktima, mahimbing siyang natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang inuupahang bahay nang gisingin siya ng isa pa nilang kasamahang babae na nakilalang si Mommy Maricel matapos marinig na nagsisisigaw sina Garcia at Legan at humihingi ng tulong.
Agad nilang pinuntahan ang mga biktima kung saan naabutan nilang bumubula ang bibig ng mga ito at kapwa wala nang malay tao.
Isinugod nila sa nabatid na pagamutan ang mga biktima ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa dami ng nainum nilang silver cleaner.
Hinala ni Ong, na posibleng nagising ang dalawang biktima at nakaramdam ng pagkauhaw kaya’t nang makita nila ang isang bote ng 500ml na mineral water sa ibabaw ng mesa na naglalaman ng nasabing panglinis ng alahas ay agad nila itong pinaghatiang inumin.
Inimbitahan ng pulisya ang mga kasamahan ng mga biktima sa himpilan ng pulisya upang isailalim sa masusing imbestigasyon hinggil sa naganap na insidente.
The post 2 GRO aksidenteng nakainom ng silver cleaner, patay appeared first on Remate.