NAGDAOS ng charity fun run ang Department of Health (DOH) at PhilHealth sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong Linggo ng umaga upang makalikom ng pondo para sa proteksiyon ng mga ina at kanilang mga sanggol sa bansa.
Nabatid na ang naturang fun run na may titulong “PhilHealth-DOH Run 2013: Run for Mother and Child Protection” ay isinagawa sa Roxas Boulevard sa Maynila, Baguio, Dagupan, Tuguegarao, Clark, Malolos, Laguna, Batangas, Legazpi, Iloilo, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Cagayan de Oro, Davao, Koronadal, Marawi, Butuan at Tubod, Lanao del Norte.
Pinangunahan ni Health Secretary Enrique Ona ang aktibidad, kasama sina Health Assistant Secretary Eric Tayag, MMDA Chairman Francis Tolentino at Civil Service Commission Chairman Francisco Duque III.
Tinatayang umabot sa 13,000 katao ang tumakbo sa naturang fun run sa Maynila at humigit-kumulang 100,000 naman sa 18 major cities sa buong bansa.
Nabatid na ang pondong malilikom sa naturang fun run ibibigay sa Philippine Children’s Medical Center, Jose Fabella Hospital at 18 iba pang benepisyaryo.
Ito’y bilang bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-18 taong anibersaryo ng PhilHealth na may temang “Synergy for Universal Health Care.”