LUSOT na sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas para palawigin ang corporate life ng Philippine National Railways (PNR).
Ang nasabing panukala ay kabilang sa 16 priority bills ng Kongreso na inaasahang maipapasa bago mag-adjourn sine die sa Hunyo ng taong ito.
Kumpiyansa si Sen. Cynthia Villar, pangunahing may-akda ng Senate Bill No. 1831 o PNR corporate extension na madali maisasabatas ang nasabing panukala dahil sa kooperasyon ng kapwa nito mga mambabatas.
“This bill is important to ensure the continuous services of PNR,” ani Villar, chairman, Senate committee on government corporations and public enterprises.
Nakatakdang mag-expire sa June 19 ang charter ng PNR, ang state-owned agency na namamahala sa operasyon ng railway system.
Ayon sa lady solon, nais nilang palawigin ang operason ng PNR upang patuloy ang serbisyo nito sa commuters.
Kumpara aniya sa jeepneys at bus na sumisingil ng P2 kada kilometro, ang PNR ay sumisingil lamang ng 71 sentimo kada kilometro.
Sa kasalukuyan, ang PNR ay nag-o-operate ng commuter lines mula Tutuban hanggang Sta. Rosa, Laguna na may 23 stations, 50 kilometro ang haba at mula Naga hanggang Sipocot na may 35 kilometrong ruta.
Bagamat ang long distance service ng PNR sa Legaspi City ay nahinto noong October 2012 nang masira ang mga tulay dito dahil sa bagyo, muling ibabalik ang operasyon nito sa September 2014.
Magkakaroon ng test run sa susunod na buwan.
Tiniyak din ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na kanilang isusulong ang pagpapalawig sa corporate life ng PNR para maibsan ang suliran sa trapiko na umigting dahil sa 2 ongoing major infrastructure projects sa Metro Manila— ang Skyway Stage 3 Project at ang NAIA Expressway.
The post Pagpapalawig sa PNR lusot na sa 2nd reading sa Senado appeared first on Remate.