DEDMA pa rin sa Malakanyang sa pagkakaakyat ng usapin ng Charter Change (ChaCha) sa plenaryo ng Kongreso.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, nananatili ang posisyon ni Pangulong Benigno Aquino III na isantabi ang ChaCha dahil sa patuloy na pagganda ng ekonomiya ng bansa.
Ang kailangan aniyang gawin ng pamahalaan ay lalo pang pagandahin at payabungin ang business environment.
Sa ulat, nasa plenaryo na ng Kamara ang Resolution No. 1 na nagsusulong ng pag-amiyenda ng economic provisions ng Saligang Batas.
Nakapaloob sa Resolution no. 1 na inihain ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang pagsisingit ng mga salitang “unless otherwise provided by law” sa economic provisions.
Ipinaliwanag ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Davao Rep. Mylene Garcia-Albano na ipinauubaya sa Kongreso ang pagbabago sa economic provisions ng Saligang Batas sa oras na kailanganin ito ng bansa pero hindi pa ito ang aktwal na magbabago ng economic restrictions.
Kailangan aniya na magkaroon ng leeway ang Kongreso na rebisahin ang economic restrictions sa pagnenegosyo sa bansa ng mga dayuhan para maging kapaki-pakinabang ang economic growth ng bansa.
Binigyang diin ng kongresista na hindi nararamdaman ng publiko ang 7.2 GDP growth ng bansa sa huling quarter ng 2013 dahil malawak pa rin ang problema sa kahirapan, kagutuman at kawalan ng trabaho.
Maging si Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga ay nagsabi sa kanyang sponsorship speech na panahon na upang rebisahin ang economic provisions ng kasalukuyang konstitusyon ng Pilipinas.
Kabilang sa restrictive economic provisions na isinusulong na palitan aniya ay nakapaloob pa sa 1935 Constitution, isinama muli sa 1973 Constitution at muli ay naisama sa 1987 Constitution.
The post ChaCha wala pa ring dating sa Malakanyang appeared first on Remate.