SIMULA na ng diskusyon ng Charter Change sa plenaryo ng Kamara.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naiakyat na sa plenaryo ng Kamara ang Resolution of both Houses No. 1 na nagsusulong ng pag-amiyenda ng economic provisions ng Saligang Batas.
Si House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Davao Rep. Mylene Garcia-Albano ang nag-sponsor sa ChaCha resolution kung saan hiniling nito sa plenaryo na katigan at pagtibayin ito.
Nakapaloob sa Resolution no. 1 na inihain ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang pagsisingit ng mga salitang “unless otherwise provided by law” sa economic provisions.
Ipinaliwanag ni Albano na ipinauubaya sa Kongreso ang pagbabago sa economic provisions ng Saligang Batas sa oras na kailanganin ito ng bansa pero hindi pa ito ang aktwal na magbabago ng economic restrictions.
Aniya, kailangan na magkaroon ng leeway ang Kongreso na rebisahin ang economic restrictions sa pagnenegosyo sa bansa ng mga dayuhan para maging kapaki-pakinabang ang economic growth ng bansa.
Binigyang diin pa ni Albano na hindi umano nararamdaman ng publiko ang 7.2 GDP growth ng bansa sa huling quarter ng 2013 dahil malawak pa rin ang problema sa kahirapan, kagutuman at kawalan ng trabaho.
Maging si Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga ay nagsabi sa kanyang sponsorship speech na panahon na upang rebisahin ang economic provisions ng kasalukuyang konstitusyon ng Pilipinas.
Kabilang sa restrictive economic provisions na isinusulong na palitan aniya ay nakapaloob pa sa 1935 Constitution, isinama muli sa 1973 Constitution at muli ay naisama sa 1987 Constitution.
The post ChaCha isinalang na sa plenaryo ng Kamara appeared first on Remate.