ARESTADO kaninang hapon, Mayo 13, 2014 ang anim na suspek sa pamamaril sa Fairview, Quezon City na ikinamatay ng lima katao nitong nakalipas na linggo ng madaling-araw.
Ayon kay Inspector Maricar Taqueban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District, nadakip ang mga suspek sa Fairmont Subdivision North Fairview, QC alas-4:00 ng hapon.
Sinabi ni Taqueban na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga tauhan ng QCPD sa naturang lugar nang madakip ang mga suspek na hindi muna pinangalanan.
Nauna rito pinagbabaril ng mga suspek ang lima katao sa Fairview,Quezon City nitong nakalipas na linggo ng madaling-araw.
Nasawi sa naturang insidente sina Rodelio dela Cruz, 34 ng Baesa, QC; Alodia Grace Go, 37, ng North Fairview, QC; Gilmer Gabronino, 35 ng Calooan City at Angelie Auguis,35, ng Imus Cavite, at isang hindi nakikilalang biktima na isang mangangalakal ng basura.
Ayon sa Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente sa Bgy.North Fairview, ala-1:30 ng madaling-araw nitong nakalipas na Linggo, Mayo 11, 2014.
Sinabi ni Taqueban na ang mga nadakip na suspek ang itinuturing na suspek sa naturang krimen na ikinasawi ng lima katao.
Kasalukuyan ngayong nakapiit sa QCPD Criminal Investigation and Detection Unit ang mga nadakip na suspek.
The post 6 suspek sa Fairview shooting spree arestado appeared first on Remate.