DALAWANG pasahero ng rumaragasang kotse ang agad na namatay habang tatlo pa ang malubhang nasugatan nang salpukin ang kongkretong pader sa northbound lane ng C-5 road kaninang madaling-araw sa Taguig City.
Namatay kaagad matapos tumilapon palabas ng sasakyan sina Fiona Atiina Manalo at Carl John Alamo, kapwa nasa hustong edad habang sugatan naman at isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ang tatlo pa na sina John Carlo Mariano, 19, Jaime Lee Pardinas, 19 at Gail Marbert Roa, 20, pawang ng Taguig City
Sa ulat, sakay ng Toyota Corolla Sedan (TSG-287) ang mga biktima at binabaybay ang kahabaan ng C-5 Road alas-2:30 ng madaling-araw nang salpukin ang konkretong pader pagsapit sa Barangay Ususan.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon palabas ng sasakyan ang dalawang sakay nito na nagresulta ng kanilang agarang kamatayan.
Sa ginawa namang pagsusuri ng pulisya sa nawasak na kotse, nakita ang isang hindi pa batid na kalibre ng baril at isang patalim.
Sinabi ni Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis na iniutos na niyang alamin kung lisensyado ang nakuhang baril.
The post UPDATE: 2 patay, 3 sugatan sa kotseng sumalpok sa pader sa Taguig appeared first on Remate.