TILA magiging personalan na ang labanan para sa susunod na halalan sa bansa sa taong 2016.
Ito’y makaraang magsagawa na ng lifestyle check investigation ang Office of the Deputy Ombudsman for Luzon laban kay Senador Jinggoy Estrada at kanyang pamilya.
Kasabay nito, kitang-kita na gumagastos na ang pamahalaan para gipitin ang mga Estrada kung saan hindi pa man lumalabas ang warrant of arrest ay inihahanda na ang magiging kulungan nito sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.
Nabatid na sa liham na ipinadala ni Deputy Ombudsman for Luzon Gerard A. Mosquera kay Internal Revenue Commissioner Kim Jacinto-Henares na may petsang April 15, 2014, nakasaad ang kahilingan nito para sa certified at clear copies ng income tax returns ni Senador Jinggoy Estrada mula sa taong 2007 hanggang 2012, kasama ang asawa nitong si Presentacion Estrada at mga anak na sina Janella Marie Ejercito, Joseph Luis Manuel Ejercito, Julian Emilio Ejercito at Baby Juilienne Ejercito.
Ipinasusumite ang naturang dokumento sa Field Investigation Unit ng Office of the Deputy Ombudsman for Luzon sa loob ng tatlong araw makaraang matanggap ng BIR ang naturang kahilingan.
Nakasaad pa na batay sa probisyon ng Section 13, Article XI ng Philippine Constitution at Section 15 (8) ng RA 6770 o Ombudsman Act of 1989 ang naturang hakbang.
Nakasaad sa liham ni Mosquera na kailangang ilagay sa tugon ng BIR ang FF-C-14-0132 bilang reference number at naka-attach ang kopya ng naturang liham.
Sakali namang hindi available ang mga dokumentong kanilang hinihiling, dapat mag-isyu ang BIR ng ‘certification under oath’ na nagpapaliwanag kung bakit wala sila nito.
Mananatiling confidential ang anomang dokumentong makukuha nila at gagamitin lang ng Office of the Ombudsman sa isinasagawang imbestigasyon at paglilitis sa kaso.
Samantala, posible namang ilabas sa linggong ito ang warrant of arrest laban kina Jinggoy, Senador Juan Ponce Enrile at Senador Bong Revilla.
Ito ang nabatid ng remate.ph mula sa mapagkakatiwalaang source, makaraang magpalabas ng kautusan ang Philippine National Police intelligence community sa National Bureau of Investigation kagabi na magsagawa ng 24 na oras na surveillance laban sa tatlong nabanggit na senador.
The post Kulungan ni Jinggoy nakahanda na appeared first on Remate.