BINASAG na ng Senate Blue Ribbon Committee ang pananahimik sa panawagan na ipatawag si Justice Sec. Leila de Lima sa pagdinig ng pork barrel scam kaugnay sa napaulat na Napoles list na nagdidiin sa mga karagdagang mambabatas na idinadawit sa kontrobersiya.
Nitong Lunes, pinadalhan na ng subpoena ni Sen. Teofisto Guingona, chairman ng komite, si de Lima na isumite na hanggang sa Huwebes, Mayo 15, 2014 ang nasabing listahan.
Hawak nina de Lima, dating Sen. Panfilo Lacson ang nasabing listahan na ibinigay ng asawa ni Janet Lim Napoles sa 2 kalihim.
May kopya rin nito ang whistleblower na si Sandra Cam na ipinagwagwagan din sa publiko nitong nakalipas na linggo.
Aniya, para sa katotohanan, marapat lamang na ipaalam na sa publiko ang nilalaman ng listahan kaalyado man o hindi ni Pangulong Noynoy Aquino.
Tinukoy pa nito na kapag maisumite na ang listahan sa Senado, agad na pag-aaralan ng komite kung muling bubuksan ang pagdinig sa isyu para patotohanan ang kontrobersyal na Napoles list.
Tiniyak nito na hindi niya papayagan ang anumang executive session para patotohanan ang nilalaman ng listahan.
Nilinaw din ni Guingona na nakausap na rin nito si Lacson at tiniyak niyang ipagkakaloob din niya ang hawak niyang listahan.
The post De Lima ipinatatawag na ng Senado appeared first on Remate.