MAY posibilidad na magpatupad ng pagtatapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa anumang araw mula ngayong linggo.
Sa impormasyong nakalap mula sa Department of Energy, tinatayang magpapatupad ng pagbabawas sa presyo ng gasolina (unleaded at premium) ang mga kompanya ng langis mula P0.80 hanggang P1 kada litro, mula naman sa P0.40 hanggang P0.60 kada litro sa diesel at P0.45 hanggang P0.60 kada litro sa kerosina.
Batay sa mapagkakatiwalaang impormasyon, ang pagbabawas sa halaga ng mga produktong petrolyo ay bunsod na rin ng paghina ng galaw ng presyuhan sa pandaigdigang pamilihan na sumasailamin sa idinidikta ng presyo ng Means of Platts Singapor (MOPS).
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito’y wala pang kahit isang kompanya ng langis ang nagpapahayag ng pagtatapyas nila sa presyo ng kanilang produkto bagama’t ang paggalaw sa presyuhan ng lokal na pamilihan ay nagaganap tuwing madaling-araw ng Martes.
The post Tapyas-presyo ng petrolyo ipatutupad appeared first on Remate.