IMBES makapag-honeymoon, sa kulungan bumagsak ang isang most wanted person nang arestuhin matapos ang kanyang kasal sa Cebu.
Ang suspek na si Angelito Tanaid, 39, ay may standing warrant of arrest na 4 counts ng kasong murder at may ilang taon nang nagtatago sa batas.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 8 ng umaga sa loob mismo ng isang simbahan sa bayan ng Ronda, Cebu.
Sinabi ni P/Insp. Alejandro Batobalonos ng Ronda Police Office, nakatanggap sila ng impormasyon na ikakasal ang suspect na si Tanaid kaya ikinasa ang paghuli rito.
Pero nadatnan na ng kanyang mga tauhan na ikinakasal ang suspek na naka-barong pa kasama ang kanyang nobya.
Bilang respeto sa sagradong okasyon, hindi agad aniya hinuli ang suspek sapagkat nagsimula na ang kasalan at sa halip ay nagsimba muna ang mga pulis na huhuli kay Tanaid.
Hinintay pa rin ng mga pulis na makapag-picture taking ang buong entourage bago ang pag-aresto kay Tanaid.
Nang posasan na ang suspek saka nag-iyakan at umalma ang mga dumalo sa kasal.
Sumama naman agad ang suspek pero nakiusap na kung maaari ay makapag-honeymoon muna sila ng kanyang misis.
The post Wanted sa batas, tiklo sa sariling kasal appeared first on Remate.