UMABOT sa 200 overseas Filipino workers (OFWs) ang sumugod sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), sa San Juan City kaninang umaga, Mayo 9.
Karamihan sa OFWs ay dating nagtatrabaho sa mga oil company sa Gulf of Mexico na hindi na nakabalik mula nang suspendihin ng POEA ang DNR Offshore and Crewing Services agency.
Matatandaang noong 2012, tatlong Pinoy ang napabilang sa mga namatay sa pagsabog ng oil platform doon.
Dahil dito, sinuspinde ng anim na buwan ang agency pero kahit paso na ay hindi pa rin pinababalik ang mga OFW sa nasabing bansa.
Nakipagdayalogo naman si POEA Administrator Hans Leo Cacdac sa mga OFW, at ipinaliwanag na kaya natagalan ay dahil mabusisi ang ginawang imbestigasyon sa ahensya katuwang ang US government.
Ayon sa kinatawan ng mga OFW, nangako si Cacdac na maglalabas ng resolusyon sa susunod na linggo.
Kung hindi papabor sa kanila ang desisyon, babalik ang OFWs sa POEA para muling kalampagin ito.
The post POEA kinalampag ng 200 beteranong OFWs appeared first on Remate.