KUMPIYANSA ang isang solon na hindi pwedeng magkubli sa gusali ng Senado ang tatlong senador na idinidiin sa ‘pork barrel scam’ para makaiwas sa aresto kung tuluyang ihahain sa Sandiganbayan ang kasong pandarambong laban sa kanila.
Sina Sen. Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile at Bong Revilla ang nakatakdang sampahan ng kaso sa Sandigangbayan.
Ayon kay Sen. Chiz Escudero, bilang isang abogado, mga mambabatas lamang na nahaharap sa kasong may parusang mababa sa 6 na taong pagkakakulong ang hindi pwedeng arestuhin sa Senado.
“Pero sa kasong plunder, pwede silang maaresto sa loob ng Senado kahit pa may sesyon. Kailangan lang aniyang makipag-koordinasyon muna ang arresting officers sa Senate President sa Office of the Sergeant at Arms (OSSA),” saad ni Escudero sa weekly forum sa Senado.
Nilinaw din nito na oras na maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban sa 3 senador, awtomatiko silang suspendido bilang senador alinsunod sa itinatadhana ng batas.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Revilla na pinamamadali na ng Palasyo ang paghahain ng plunder case laban sa kanilang tatlo para makulong na.
Base sa impormasyon, kung hindi ngayon, maaaring bukas o sa isang linggo na ihahain ang kaso sa Sandiganbayan.
The post Sabit sa ‘pork scam’ di pwedeng magtago sa Senado appeared first on Remate.