IPINABABASURA ni Cedric Lee sa Department of Justice ang tax evasion case na inihain laban sa kanya ng Bureau of Internal Revenue.
Si Lee, Chief Executive Officer at Presidente ng Izumo Contractors Inc, ay muling sumipot sa DoJ kahapon para personal na panumpaan ang kanyang isinumiteng counter affidavit.
Sa kanyang kontra salaysay, binigyang diin ni Lee na wala siyang personal na nalalaman sa pagpapalabas ng disbursement vouchers para sa kanyang korporasyon, at maging sa pag-iisyu ng official receipts.
Wala rin daw siyang nalalaman sa actual revenue na kinukulekta ng kumpanya batay sa billing na inisyu ng kanilang accountant.
Ang kanila umanong accountant na si Susan Nace ang naghanda ng financial statements at naghain ng ITR para sa taxable years na 2006 hanggang 2009 na sakop ng P194.47 million tax evasion case laban sa Izumo Contractors.
Dahil dito, mariing itinanggi ni Lee ang paratang laban sa kanya ng BIR.
Samantala, sumipot din sa DOJ ang asawa ni Lee na si Judy para magsumite rin ng counter affidavit dahil kasama rin siya sa kinasuhan ng BIR.
Ayon kay Judy, bagamat siya ay director at Chief Financial Officer ng Izumo, hindi siya kailanman nakadalo ng board of directors meeting o di kaya ay lumagda ng alinmang dokumento bilang myembro ng board.
Wala rin daw siyang aktwal na partisipasyon sa kinukwestiyong financial transaction ng Izumo.
Dahil dito, mariin din niyang itinanggi ang paratang laban sa kanya at hiniling sa DOJ na ibasura ang tax evasion case laban sa kanya.
The post Tax evasion case ipinababasura ni Cedric Lee appeared first on Remate.