UTAS ang isang security guard makaraang agawan ng baril ang pulis na sumita sa kanya sa E. Rodriguez, Quezon City kahapon, Mayo 7, 2014.
Kinilala ang biktima na si Richard Emahas, 24, ng 240 Romualdez Kalentong St., Mandaluyong City.
Si Emahas ay idineklarang dead-on-arrival sa Delos Santos Medical Center dahil sa tama ng bala ng baril sa katawan.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa harap ng Public Assistance Center sa E. Rodriguez, QC alas-4:50 kahapon ng hapon, Miyerkules.
Sinabi sa ulat na nagsasagawa ng “operation oplan sita” ang mga tauhan ng QCPD Station 11 Galas sa naturang lugar sa pangunguna ng team leader nito na si SPO3 Jerazaldo Tugbo nang sitahin ng mga pulis ang biktima habang nagmamaneho ng motorsiklo (WJ-2704).
Hinanapan ng lisensya at identification card ni SPO3 Tugbo ang biktima para sa kaukulang verification.
Agad namang kinuha ng biktima ang identification card sa kanyang wallet pero hindi sinasadyang lumitaw ang tatlong sachet ng shabu.
Dito na inimbitahan ng mga pulis ang biktima sa presinto para magpaliwanag sa natagpuang sa kanyang wallet.
Subalit habang naglalakad ay inagaw umano ng biktima ang baril ni PO1 Lising dahilan para makaramdam ng panganib ang mga pulis at pinaputukan ni SPO3 Tugbo ang huli na ikinasawi nito.
The post Sekyu nang-agaw ng baril ng pulis, utas appeared first on Remate.