APAT na ang patay habang may 20 preso ang sugatan sa naganap na riot sa loob mismo ng Quezon Provincial Jail (QPJ) sa Lucena City kaninang umaga, Mayo 7.
Hindi pa nakukuha ang mga pangalan ng apat na presong namatay pero anim lamang sa nabanggit na bilang ang isinugod sa pagamutan sanhi ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habang ang iba pang preso ay dinala lamang sa QPJ clinic sanhi ng minor injuries.
Sa imbestigasyon, nagsimula ang kaguluhan alas-10 ng umaga nang magprotesta ang mga preso hinggil sa paglipat ng kulungan ng isa sa mga preso.
Bilang pagtutol, sinugod ng mga preso na may bitbit na mga iba’t ibang klase ng improvised knife ang jail guards.
Para naman makaiwas sa tiyak na kapahamakan, napilitan ang jail guards na paputukan ang nasa unang hanay na mga preso na ikinamatay ng apat.
Habang isinusulat ang balitang ito, sinabi ng pamunuan ng QPJ, na kontrolado na nila ang sitwasyon at inaayos na lamang ang pagtugon sa mga sugatang preso.
Sinabi naman sa Provincial Social Welfare and Development Office, may isang dalaw ang nasugatan din at ilan pa ay nasa loob ng piitan nang maganap ang komosyon.
Nitong nakaraang Pebrero lamang ay nabalot din ng tensyon ang QPJ nang gawing hostage naman ng mga preso ang mahigit 40 na dalaw bilang protesta naman sa maling pamamalakad ng QPJ.
The post UPDATE: 4 preso tigbak sa riot sa Quezon Provincial Jail appeared first on Remate.