DUMULOG na kay Justice Secretary Leila de Lima ang Whistleblowers Association of the Philippines para muling hilingin ang pagsasapubliko ng kontrobersyal na listahan ni Janet Lim-Napoles ng mga mambabatas na diumano’y sangkot sa PDAF scam.
Isinumite na lamang ni Sandra Cam, pinuno ng grupo, ang kanyang liham sa tanggapan ni De Lima dahil dumadalo ito sa isa pang pagpupulong.
Ayon kay Cam, ang pagsasapubliko hindi lamang ng listahan ni Napoles kundi ng kanyang buong affidavit ay bilang pagtalima sa itinatakda ng Section 7, Article 3 ng Konstitusyon na naggagarantiya sa right to information ng publiko sa mga usapin na maituturing na public concern.
Si Cam ay mayroon ding sariling kopya ng diumano’y Napoles List, pero tumanggi siyang ihayag kung kanino iyon galing.
Nakahanda naman daw siyang isapubliko ang kanyang hawak na listahan pero ito ay kapag inilabas na ni De Lima ang hawak niyang listahan.
Sa listahan ni Sandra Cam, 82 congressman at 16 na mga senador kasama na rito ang tatlong nauna nang inireklamo sa Tanggapan ng Ombudsman, ang umano’y dawit sa PDAF Scam.
Walumpung porsyento umano sa mga sangkot sa PDAF scam ay pawang mga kaalyado ni Pangulong Aquino.
The post Listahan ng mga sangkot sa PDAF scam, ipinasasapubliko appeared first on Remate.