PINAG-AARALAN ng Department of Health (DoH) ang posibilidad na gawing compulsory ang HIV tests sa bansa.
Ito’y kasunod na rin nang patuloy na pagdami ng bilang ng mga naitatalang HIV cases sa bansa.
Ayon kay Health Assistant Secretary at Spokesman Dr. Eric Tayag, director ng DoH-National Epidemiology Center (NEC), nasa proseso pa ngayon ng talakayan ang posibilidad na maisakatuparan ito.
Iginiit ni Tayag na sakaling matuloy ang plano ay wala namang dapat na ikatakot ang publiko sa pagsailalim sa HIV testing.
Nakasaad sa ilalim ng Republic Act 8504 o ang Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998, maituturing na labag sa batas ang paggamit sa HIV testing sa paghahanap ng trabaho, pagkakapasok sa mga educational institutions at iba pang kahalintulad nito.
Nabatid na ang mga miyembro ng Philhealth na magpopositibo sa HIV ay makakakuha ng hanggang P30,000 kada taon para sa anti-retroviral drugs.
Una nang iniulat ng DoH-NEC na nitong Marso, 2014 lamang ay nasa 498 ang nakumpirmang positibo sa HIV na mas mataas ng 35 porsyento kaysa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang DoH sa mga lokal na pamahalaan para matugunan ang tumataas na kaso ng HIV sa mga itinuturing na hot zones kasama ang National Capital Region, Southern Luzon, Central Luzon, Cebu at Davao kung saan kalahati ng kabuuang bilang ng HIV cases ay naitala.
The post Pagsalang sa HIV test gagawing compulsory appeared first on Remate.