PINASISIMULAN na sa Senate Blue Ribbon ang pagbusisi sa anomalya sa pondo ng Malampaya na tinaguriang mas malala kumpara sa fertilizer scam.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, mas malaki ang halagang sangkot sa kickback sa Malampaya fund scam kesa sa naging kontrobersyal na pork barrel scam.
Pasaring ng solon, posibleng hindi na rin interesado ang komite na ilantad ang katotohanan sa likod ng anomalya.
Kinuwestyon din nito ang paulit-ulit na naging pahayag ni Sen. Teofisto Guingona, chairman ng committee na agad nitong isusunod ang imbestigasyon sa Malampaya scam matapos ang pagbusisi sa P10-milyong PDAF scam.
Aniya, ang patuloy na problema sa enerhiya sa energy sector, rotating brownouts hanggang sa mataas na singil sa kuryente ay posibleng pinakamalakas na ebidensya sa pag-abuso sa Malampaya funds.
Sa national TV interview kay Estrada kamakailan, kasunod ng pagkakaloob ng immunity ng Ombudsman kay Mrs. Ruby Tuason, kinuwestyon din nito kung paano kinumpyut ng mga awtoridad ang P40 milyon na ibinalik ni Tuason pabor sa gobyerno.
Ang nasabing halaga ay ‘kickback’ ni Tuason mula sa pondo ng Malampaya sa pakikipagsabwatan kay Janet Lim Napoles.
Naniniwala si Estrada, isa sa 3 senador na idinawit sa pork barrel scam, na malaki ang naging papel ni Tuason sa Malampaya scam.
Una nang inilantad ng solon sa kaniyang privilege speech noong Marso 2014, na pag-aari ni Tuason ang isang “Malampaya Mansion,” house and lot na nasa Dasmariñas Village, Makati City.
Maliban dito, itinatag din aniya ni Tuason ang Rubysons Corp., eighty-million peso capitalized corporation na may kinalaman sa micro-business activities at isang high-end jewelry store sa isang mamahaling hotel.
Maging ang iba pang real estate properties nito na nasa Las Vegas Country Club (P6.3 million), isa din sa Oakland, California ($150,000), sa Henderson, Nevada, at sa Kawayan Cove, Cavite, at townhouses sa Alabang at Valle Verde.
Si Tuason kasama ang 21 iba pa ay kinasuhan ng plunder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman kaugnay sa Malampaya fund scam.
The post Malampaya fund scam giit na busisiin appeared first on Remate.