SUGATAN ang 32-anyos na lalaki nang tangkaing makipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya na nagsasagawa ng “Oplan-Sita” kagabi sa Taguig City.
Kaagad na isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital si Badrudin Daud, residente ng Kabuntalan St., Maharlika Village matapos magtamo ng tama ng bala sa binti habang nakatakas naman ang kasama niya na nagmamaneho ng motorsiklo.
Sa ulat ng pulisya, namataan ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU) na nagsasagawa ng Oplan Sita ang dalawang lalaking sakay na isang motorsiklo na walang suot na helmet alas-10:25 ng gabi habang tumatahak sa Kabuntalan Street.
Nang aktong sisitahin ng mga pulis, mabilis na tumakas ang dalawa kaya’t hinabol sila ng mga pulis hanggang masukol si Daud matapos tumalon sa sinasakyang motorsiklo, bitbit ang kalibre. 45 baril.
Sa pahayag ni PO1 Leo Valdez ng TMRU, nakatutok na sa kanila ang hawak na baril ng suspek kaya’t pinaputukan na niya ang lalaki sa binti upang hindi na makalayo at makapanlaban.
Inaalam na ng pulisya kung may kinalaman si Daud sa ilang insidente ng kriminalidad sa lungsod na sangkot ang mga “riding in tandem” habang sinampahan muna ng pang-unang kasong illegal possession of firearms and ammunition at direct assault sa Taguig City prosecutors office.
The post Kelot sugatan sa ‘Oplan-Sita’ sa Taguig appeared first on Remate.