ITINUTULAK sa Senado ang pagpapaigting sa kakayahan ng mga barangay sa pagpapatupad ng serbisyo-publiko sa pamamagitan ng kanilang taunang badyet.
Sa Senate Bill No. 2190 na inihain ni Sen. Bongbong Marcos, binigyan nito ang Kongreso ng kapangyarihan na lumikha ng mga barangay sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas.
Base ito sa nakasaad sa Republic Act 7160, o ang Local Government Code of 1991, na ang barangay na itinatag ng batas ang maaaring bigyan ng Internal Revenue Allotment (IRA).
Aniya, ang kanyang panukala ay tugon sa problema sa badyet ng LGUs-created barangays.
Kung maisasabatas, mabibigyan na sila ng IRA shares tulad ng sa Congress-created barangays.
Sa pinakahuling talaan ng National Statistical Coordinating Board noong Disyembre 31, 2013, may 42,026 barangay sa buong kapuluan. Mula rito, 200 ang likha ng LGUs at ang natitira ay likha ng batas.
Sa section 4 ng panukala ni Marcos, lahat na ng mga barangay, kabilang ang mga nauna nang nilikha ng provincial at city council ay makatatanggap na ng IRA shares, na ibig sabihin ay mabibigyan din ang 200 na likha ng LGUs.
The post Mga gipit na barangay sinagip ng Senado appeared first on Remate.