PRAYORIDAD na maisalang sa plenaryo ng Kamara bukas, May 5, ang kontrobersyal na panukalang anti-political dynasty bill.
Tiniyak ito ni Capiz Cong. Fredinil Castro, chairman ng Committee on Suffrage and Electoral Reform, matapos magkausap ni House Majority Leader Neptali Gonzales.
Binilinan siya ni Gonzales na maghanda para sa kanyang sponsorship speech kasama ang kanyang mga kasamahan sa komite kaugnay sa naturang panukalang batas na nakabinbin pa sa committee on rules sa pagbabalik ng sesyon bukas matapos ang Lenten break.
Sa ganitong paraan ay mauumpisahan na ang deliberasyon sa panukalang Anti-political dynasty law bago matapos ang taon at matapos na rin ang deliberasyon nito.
Ipinaliwanag ni Castro na sa consolidated version ng panukala ay sakop nito ang hanggang second civil degree by consanguinity or affinity na ang ibig sabihin ay father and son, mother at children, lolo at tatay at kapatid to kapatid.
Aniya, second degree direct at second degree collateral dahil sa ‘yung collateral ay sa magkakapatid, ‘yung directs ay parents at children.
Inamin din ni Castro na sa pag-aaral umano ng komite ay masyadong malawak ang tatamaan at maapektuhan nito sakaling maisabatas dahil mayroon umano sa isang pamilya na hindi binanggit ng mambabatas ang pangalan na walo silang nasa panunungkulan ng gobyerno kaya nangangahulugan ito na monopolistic ang ginagawa ng mga ito dahil humahawak sila ng posisyon sa pamahalaan.
Hinala rin ni Castro na mahigit sa 40 porsiyento ng mga pulitiko na nasa local at national politics ang tatamaan ng panukalang batas.
Ngunit wala namang commitment na ibinigay ang liderato ng Kamara na tatapusin ito bago mag-adjourn sa Hunyo ang Kongreso subalit napakahalaga na na maisalang at mabigyan ng pagkakataon na mapag-usapan ito sa plenaryo dahil wala na itong ibang patutunguhan kundi mapagbotohan kung ipapasa o hindi.
Naunang sinabi ni Gonzales na “bago nag-break, ang lumabas na mga committee report of course ang nangunguna ay iyong political dynasty bill saka yong amendments sa economic provisions of the constitution.”
Bukas ay muling magpupulong ang liderato ng Kamara at Senado upang pag-usapan kung ano pa ang mga dapat iprayoridad ng Kongreso.
The post Anti-political bill isasalang na sa Kamara appeared first on Remate.