IGINIIT sa Senado na iangat ang pamumuhay at makasabay sa labor sector ang informal workers na lalong nalulubog sa kahirapan dahil sa kawalan ng mga sapat na benepisyo.
Sila ay hindi sakop ng Labor Code at iba pang batas para sa proteksyon sa kanilang karapatan.
Kadalasang biktima ng pang-aabuso ng abusadong employers sa mahabang oras ng pagta-trabahao, maliit na sahod, walang mga benepisyo at nasa ilalim ng poor working conditions.
Marami sa informal workers ang namumuhay sa ilalim ng substandard conditions at hindi mapagdugtong ang mga pangangailangan sa araw-araw.
Sa pagdiriwang ng Labor Day, iginiit ni Sen. Sonny Angara ang pagsusulong ng Senate Bill 1941 o Magna Carta of Workers in Informal Economy.
Layon nito na ipagkaloob ang parehong pangunahing mga karapatan base sa itinatadhana ng batas para sa informal sector.
Tinatayang nasa 25 milyong Filipino workers sa informal sector ang makikinabang kapag tuluyang naisabatas ang nasabing panukala.
Kabilang sa nasa informal economy ang maliit na negosyante, micro-entrepreneurs, home-based workers, vendors, jeepney at tricycle drivers, small and landless farmers, mangingisda, non-corporate construction workers, garbage collectors at recyclers, petty retailers, barter traders, small-scale miners at quarry workers, entertainers, beauticians, laundry persons, on-call domestic helpers, barangay health workers at ibang volunteer workers na gaya nito.
Alinsunod sa SB 1941, dapat tamasahin ng informal workers ang living wage at equal remuneration para sa kanilang trabaho; ligtas at malusog na working conditions; pahinga, paglilibang at sapat na limitasyon ng working hours.
Gayundin ang maternity protection; sapat na pamantayan ng pamumuhay kasama ang pamilya; edukasyon sa mga anak; at social protection sa labor market programs, social security, health care at insurance, at social welfare interventions.
The post Informal workers bigyang pansin appeared first on Remate.