UMAPELA sa international travelers ang Department of Health (DoH) na magsabi ng totoo sa kanilang health declaration checklist bago pa dumating sa bansa.
Ang apela ay kasunod na rin ng patuloy na paghahanap ng DoH sa mga pasahero ng isang airline na lumapag sa Pilipinas at kinalululanan ng Pinoy nurse na unang natuklasang positibo sa nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV).
Ayon kay DoH program manager for emerging diseases Dr. Lyndon Lee Suy, ang naturang health checklist ay para rin naman sa kapakanan ng international travelers.
Layunin din nito na matiyak ang kaligtasan ng mga taong sasalubong sa kanila sa paliparan at mga kasama sa bahay.
Sa kasalukuyan, 170 na sa 414 pasahero ng Etihad Flight EY 424 ang sumailalim sa MERS coronavirus testing at wala naman sa kanilang nagpositibo sa sakit.
Maging ang Pinoy nurse na nakasabay nila sa eroplano sa pag-uwi sa Pilipinas at pamilya nito ay nagnegatibo rin sa naturang sakit.
Maging ang Philippine National Police (PNP) ay tumutulong na rin sa DoH para matunton ang iba pang pasahero ng EY 424 upang masuri ang mga ito.
Kumpiyansa naman ang DoH na magnenegatibo rin ang mga naturang pasahero mula sa sakit.
Nabatid na pagdating sa Pilipinas ng mga international travelers ay dumaraan sila sa thermal scanners at kaagad na ikinu-quarantine sakaling ma-detect na mataas ang kanilang temperatura.
Nagsu-swab din sa ilong at sa lalamunan ng mga ito upang makakuha ng sample ng organismo na posibleng taglay nila.
The post DoH sa international travelers: Health declaration checklist ilatag appeared first on Remate.