NILUSOB ng mga tauhan ng Pasay City police ang isang KTV bar matapos matuklasan na walang kaukulang permiso mula sa tanggapan ng alkalde ang operasyon nito kaninang madaling-araw sa nabatid na lungsod.
Siyam na kawani, kabilang ang supervisor na si Sherwin Lim 43, ng 34C Sabino St., Valenzuela City ang binitbit ng pulisya matapos isagawa ang pagsalakay sa XTD KTV Bar sa Hobbies Mall of Asia, Macapagal Boulevard, alas-5:20 ng madaling-araw.
Ayon kay Pasay City police chief Senior Supt. Florencio Ortilla, bukod sa walang maiprisintang Mayor’s Permit, wala ring mga kaukulang working permit ang mga waiter, helper at iba pang kawani sa naturang KTV bar.
Batay sa tinanggap na ulat ni Ortilla, humingi ng ayuda si Noel Del Rosario, hepe ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 ng Pasay police nang makitang nakabukas ang naturang KTV bar gayung wala siyang natatandaan na kumuha ito ng Mayor’s Permit sa kanyang tanggapan.
Napag-alaman na anim na buwan na ang operasyon ng naturang KTV na hindi man lamang nagtangkang kumuha ng Mayor’s Permit at wala ring kaukulang working permit ang mga kawani.
Dahil dito, irerekomenda ng pulisya ang tuluyang pagpapasara sa naturang establisimiyento kasabay ng paghahain ng kasong paglabag sa City Ordinance 236 o operating business without mayor’s permit and without working permit sa mga nadakip.
The post KTV bar nilusob sa Pasay City appeared first on Remate.