TAGUIG City – AGAD dinala sa pagamutan ang isang batang lalaki na bibili sana ng kendi sa tindahan nang tamaan ng bala ng baril mula sa isang pulis sa kahabaan ng Eucalyptus Road, Barangay Western Bicutan.
Kinilala ang salarin na si PO2 Flinton Dumlao Pamittan, 31 at nagpakilalang nakatalaga sa Station 7 ng Quezon City Police District habang ang biktima naman na si John Michael V. Bacus, 16, at nakatira sa no. 03 Kamalunggay Street, Brgy. Western Bicutan ay isinugod sa pagamutan sanhi ng tama ng kalibre 9mm bala sa kanang siko.
Sa pagsisiyasat, napag-alaman mula sa pahayag ng mga saksi na nakita nila ang biktima na naglalakad patungo sa isang tindahan ‘di kalayuan sa pinangyarihan ng krimen.
Inilarawan pa ng mga nakasaksi na napasigaw sila sa takot bunsod ng ginawang pagbunot ng baril ng suspek at walang babalang nagpaputok ito ng bitbit na armas doon sa mataong lugar.
Sa pangamba na utasin ang kanyang buhay, nagtatakbo anila ang batang sibilyan na isinisiksik ang kanyang sarili sa mga taong naroroon at humihingi ng tulong.
Nadakip ang itinurong salarin na hinihinalang “trigger happy” at lango umano sa alak ng madaanan ng mobile patrol ng Sector 2 Taguig City Police Station.
Nahaharap sa kasong attempted homicide ang ikinulong na awtoridad.