ITINANGHAL na isang bayani ang Pinay nars sa Amerika noong kasagsagan ng bagyong Sandy at kinilala ang nagawa niya ng mismong pangulo ng Estados Unidos na si Barack Obama sa kanyang State of the Union Address .
Sa talumpati ni Obama, binigyan niya ito ng pagkilala at ikinuwento ang kabayanihan ng nars na si Menchu De Luna-Sanchez.
Ani Obama na nang magdilim ang ospital dahil sa bagyo ay hindi iniwan ni Sanchez ang 20 sanggol sa neo-natal care ng ospital at hindi inalintana na maging ang sariling tahanan ay hinahagupit ng bagyo.
“Dapat pamarisan si Sanchez sa kanyang kabayanihan,” ani Obama.
Habang nagsasalita si Obama ay napapagitnaan si Sanchez ng First Lady ng Amerika na si Michelle Obama at ng asawa ng bise presidente ng Amerika na si Jill Biden.
Masaya naman si Sanchez sa pagkilala sa kanyang kabayanihan at naging simbolo ng lahat ng Pinay nurses na nasa Estados Unidos kung saan 80% sa New York pa lamang ay binubuo ng mga Pilipino na matagal nang nagtatrabaho ng mahusay subalit ngayon lamang napansin at kinilala.