AGAD na nagpiyansa kahapon sa kasong grave coercion sa Taguig City Metropolitan Trial Court (MTC) si Bernice Lee na kapatid ni Cedric Lee at isa din sa mga akusado ng panggugulpi kay Vhong Navarro makaraang maaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Naglagak ng halagang P12,000 si Bernice kasama ang kanyang abogado na si Atty. Howard Calleja sa sala ni Taguig City MTC Judge Bernard Bernal ng Branch 74 sa kasong kinakaharap nito.
Nauna rito, inaresto ng mga tauhan ng NBI si Bernice sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bernal sa bahay nito sa Greenhills, San Juan kamakalawa ng gabi.
Tumanggi munang magbigay ng pahayag si Bernice at muli itong bumalik sa tanggapan ng NBI para asikasuhin naman ang release order nito.
Si Bernice ay hindi kasama sa mga ipinaaaresto ng Taguig City Regional Trial Court (RTC), Branch 271 kaugnay sa kasong serious illegal detention na isinampa ng Department of Justice (DoJ), subalit masusing pinag-aaralan ng DoJ na maghain ng motion para maisama sa arrest warrant si Bernice, pati na si Jose Paulo Calma.
The post Bernice Lee nakapagpiyansa na appeared first on Remate.