INIIMBESTIGAHAN na ng pulisya kung may foul play sa pagkahulog ng 25-anyos na kasambahay mula sa ika-limang palapag ng condominium matapos ipasya ng kanyang mga kaanak na akuin na lamang ang pagpapagamot sa biktima kagabi sa Pasay City.
Nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo, mukha at pagkabali ng kanang kamay ang biktimang si Maricel Solomon, helper ng Unit 182, 5th floor Penthouse, Sunvar Condominium sa kanto ng Villaruel at Luna St., at kaagad na isinugod ng Pasay Rescue Team sa Pasay City General Hospital subalit ipinalipat sa Philippine Orthopedic Hospital sanhi ng mga tinamong bali ng mga buto.
Gayunman, nang magtungo sa naturang pagamutan sina SPO1 Rodolfo Suquina at PO3 Dennis Desalisa ng Pasay police investigation section, wala na sa naturang pagamutan si Solomon at kinuha umano ng mga kaanak upang sila na ang magpagamot.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, wala anumang palatandaan na nagkaroon ng kaguluhan o pag-aaway sa naturang unit na pag-aari ng isang Don Cabangon, 35, purchasing manager ng isang hotel.
Sa pahayag naman sa pulisya ni Abegail Bayon-on, 18, helper din sa naturang unit na ang huling kausap sa cellphone ng biktima ay ang kanyang kalive-in mula sa Tondo, Manila subalit wala naman siyang napunang kakaibang kilos ng kasamahan.
Natuklasan din ng pulisya na bukas ang sliding door sa laundry area na may bakas ng kamay na isang palatandaan na dito nagmula ang biktima.
Iniutos na ni Pasay police chief Senior Supt. Florencio Ortilla ang malalimang pagsisiyasat sa insidente upang alamin kung may nangyaring foul play.
The post Kasambahay nahulog mula sa 5th floor ng condo lasog appeared first on Remate.