NAGPAALALA ang Department of Health (DoH) sa publiko na maging maingat sa pagbabakasyon ngayong summer at Mahal na Araw.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ito ay upang makaiwas sa food poisoning, diarrhea at mga sakit na nakukuha sa panahon ng tag-init, gayundin sa recreation-associated injuries.
Payo ni Ona sa pagbiyahe, dapat na isipin ng mga biyahero ang kanilang kaligtasan upang makaiwas sa aksidente.
Dapat aniyang busisiing mabuti ng mga biyahero ang kanilang sasakyan bago bumiyahe, magbitbit ng repair kit at huwag magmaneho kung nakainom.
Sa paghahanda naman ng pagkain, dapat na ikonsidera kung madaling masira ang pagkain lalo na kung mainit ang panahon.
Dapat umiwas sa pag-inom ng tubig at malalamig na inumin na kaduda-duda ang pinagmulan upang makaiwas sa diarrhea o gastroenteritis.
Kung magsu-swimming naman, iwasang magtungo sa malalalim na bahagi ng dagat lalo na kung matagal nang hindi nakapaglalangoy dahil sa posibilidad na pulikatin habang naliligo.
Hindi aniya dapat payagan ang mga bata na maligong mag-isa o walang kasamang matanda na marunong lumangoy at hindi nakainom ng alak.
Paalala pa ng Kalihim, ang bakasyon ay ginagawa upang mag-enjoy kaya’t dapat aniyang sundin ang mga naturang tips upang maging ligtas at hindi mauwi sa trahedya.
The post Paalala ng DoH: ‘Mag-ingat sa Summer’ appeared first on Remate.