NALAGAS ang limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa magdamag na bakbakan sa pagitan tropa ng pamahalaan at bandido sa Tipo-Tipo, Basilan kaninang madaling-araw hanggang kaninang umaga, Abril 12.
Sinabi ni Major Gen. Rustico Guerrero, commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom) na kabilang sa mga nadale ay isang tauhan ni ASG leader Furuji Indama, habang dalawa naman ang kinilalang sina Assi Kallitot at Basri Musa na mga tauhan naman ni ASG Commander Isnilon Hapilon.
Bukod dito, marami pa rin aniya ang malubhang nasugatan sa mga bandido sa dalawang magkasunod na sagupaan.
Sa ulat ng 104th Brigade ng Philippine Army (PA), alas-2:00 ng madaling-araw nang unang makasagupa ng mga sundalo sa pangunguna ng 3rd Scout Ranger Battalion ang grupo ni Indama na tumagal ng halos isang oras.
Pagsapit ng alas-7:45 ng umaga nang sumiklab muli ang sagupaan habang nagsasagawa ng blocking position ang tropa ng 18th Infantry Battalion (IB) sa Barangay Baguindan laban sa may 60 miyembro ASG na pinangungunahan nina ASG leader Basir Kaguran at Nurhassan Jamiri.
Tiniyak naman ni Guerrero na patuloy ang kanilang operasyon laban sa grupo na nananatili pa rin sa nasabing lugar.
The post 5 ASG utas sa magdamag na sagupaan appeared first on Remate.