IBINASURA kaninang umaga, Abril 11, 2014 ng Quezon City Prosecutors Office ang kasong frustrated homicide na isinampa laban sa dating Philippine Basketball Association (PBA) import ng kanyang girlfriend dahil sa kawalan ng sapat na dahilan.
Hindi umano akma ang kasong isinampa laban kay Jamelle Isaac Cornley, 26, dating import ng PBA team Rain or Shine.
Nabatid sa dalawang pahinang resolution ni Assistant City Prosecutor Diovie Macaraig-Calderon na ipinag-utos nito na dapat magsumite ng dagdag na ebidensya ang 25-taong gulang na complainant na hindi pinangalanan para pagtibayin ang kanyang alegasyon laban sa American basketball player.
Nag-ugat ang kaso matapos ipag-utos sa inquest proceedings na isinagawa ni Assistant City Prosecutor Rodrigo del Rosario na nagrekomenda na ang kaso ni Cornley ay isasailalim sa “further investigation.”
Sinabi ni Del Rosario, ang ebidensya na iprinisinta laban sa American ay hindi supisyente para ma-istablisa ang probable cause sa kaso.
Nabatid pa na ang sugat ng complainant ay bahagya lamang at hindi nagpapakita ng pagtatangka ng pagpatay dito.
Sa proceeding, inirekomenda ni Del Rosario ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence against Women and their Children) laban kay Cornley sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Nauna rito, magugunitang inaresto ng mga pulis si Cornley noong Oktubre 23, 2013 matapos bugbugin ang complainant na kanyang kasintahan sa condominium ng huli sa unit sa kahabaan ng E. Rodriguez Avenue, Barangay Kalusugan, Quezon City.
Sa reklamo ng complainant, sinabi nito na sinampal siya ng respondent at tinangka siyang itapon mula sa 15th floor ng kanyang condo habang nakatutok ang isang kitchen knife sa kanyang leeg.
The post Frustrated homicide laban sa ex-PBA import ibinasura appeared first on Remate.